Friday, October 13, 2006

Mama


Mother's Name: Aritas Lumod Lagat

Occupation: Plain housewife


'Yan ang sinulat ko nung pinagfifill-up ako ng biodata sa isang fastfood chain sa mindanao. Plain housewife ang occupation. Ano nga ba naman maisusulat ko kundi yun lang ang alam ko mula nung matuto ako magfill-up ng biodata. Plain housewife...

Daming tanong sa kin nung general manager ng foodchain na yun nung interview. Hanggang umabot kami tungkol sa kung pano kami nabubuhay at wala naman trabaho ang papa at plain housewife lang si mama...

Grade 5 pa lang ako nang mawalan ng trabaho si papa sa NFA pagkatapos ng labin-limang taon sa serbisyo. Ayaw kasi ni papa na ilipat sya sa Cotabato. Usap-usapan pati nun na inililipat o tinatanggal mga maka-marcos sa ibang lugar... at si papa parang die hard kay marcos, ayun sapul!

Simula noon, si mama na ang naging tungkod ng pamilya. Ayaw na ni papa. Barkadahan na lang, inuman ang gusto nya. At kung ano ang nasa isip nya noon, hindi ko alam...

Una, nagkaroon si mama ng sari-sari store. At dahil sa dun na namin kinukuha mga gastusin namin sa araw-araw, naubos din ito pagkatapos ng ilang buwan. Ang maalala ko lang nun ay ang paguwing lasing ni papa halos gabi-gabi at ang nakakabinging away nilang dalawa... 'Di ko masisisi si mama kung bakit sya galit at mula nun natuto akong magalit kay papa. Dun ko lalo naappreciate ang pagiging ina ni mama. Lahat gusto subukan mairaos lang kami sa isang araw at kung ano man ang dala ng buhay kinabukasan, bahala na.

Nangutang sa 5-6. Nagtinda ng Avon. Nagbabahay-bahay ng kung anong tinda. Nakapunta sa GenSan at Cotabato para magbahaybahay ng mga bag, flashslight, calculator at libro. Naging ahente sa halos lahat na appliance centers sa Cagayan de Oro. Nagtatago ng pinagkakautangan. Naging sidekick ng swindler. Naging witness sa isang swindling case. Nagtinda ng lansones. Nagtinda ng sibuyas at bawang. Nagtinda ng asin. Natulog sa palengke. Naging mananahi. Umuuwing luhaan. Umuuwing pagod.

Magkaron lang kami ng maliit na tuluyan. Makakain. Makapag-aral. Matuto sa buhay.

"Do you want me to hire you because of your mother?" Tanong sa kin nung genral manager. At kung ano man ang ibig sabihin nya sa tanong na yun... "Oo sir, please... matabangan lang nako si mama, makahuman lang ako igsoon sa high school..."

Ano nga ba dapat naisulat ko dun sa bio-data? Hanggang ngayon, di ko pa din maisip. Paminsan minsan, binabalik balikan namin ni mama ang kwento nya. Tawa sya ng tawa. Natutuwa. Hindi lang nya siguro maisip kung pano nya nalampasan ang mga taon na yun.

64 na si mama. Meron pa ring konting struggles. Siguro hindi na mawawala yun. Inaalala pa rin nya kami. Hindi pa rin sya nagbabago. Pero hindi gaya noon, nakikita na naming magkakapatid ang tuwa at saya na nadarama nya ngayon. Nakakatuwa.

Sa lahat-lahat... salamat, Ma.

4 comments:

Leo Adhemar Tan said...
This comment has been removed by the author.
Jay Lagat said...

Hello Leo. Thanks for dropping by...

Unknown said...

She's like a super hero talaga to your family.. she really deserves to be treated super "special". nakakatawa lang yung anak na nagsasabi sa nanay na .." Ma, nde naman ako super hero!". What a nerve to say that! Anak ba yun???? Gggrrrrrr!

Jay Lagat said...

hon, thanks for the care you have shown to mama... it's a blast!